CAUAYAN CITY – Inaasahan na ang panibagong umento sa sahod ng mga manggagawa sa Lambak ng Cagayan.
Batay sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), magkakaroon ng dagdag na sahod ang mga manggagawa sa Region 2 kabilang rito ang mga kasambahay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Johnny Alvaro, Workers Sector Representative ng RTWPB, sinabi niya na dalawang wage order ang nakatakdang ipalabas ngayon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board na dumaan sa wage deliberation noong September 18.
Noong buwan ng Agosto nang isagawa nila ang Public Sectoral Consultation kung saan karamihan ay pabor sa muling dagdag na sahod sa mga manggagawa o minimum wage earners na naglalaro sa P30 hanggang P100.
Ang napagpasyahan nilang wage increase ay naipadala na sa Regional Tripartite Wages and Productivity Commission para sa review at posibleng mailalathala na ito sa buwan ng Oktubre subalit kailangan pang hintayin ang opisyal na pahayag mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ilan sa ikinunsidera ng RTWPB ang kasalukuyang purchasing power ng mga manggagawa, poverty threshold at living wage ng isang manggagawang may binubuhay na pamilya.