Nakahimpil na sa bahagi ng Manila Bay ang kontrobersiyal na M/V Ruby Princess na sinisisi ng Australia na pinag-ugatan sa unang mga kaso ng coronavirus.
Kung maalala iniuugnay ang cruise ship sa 900 mga sakay na nagpositibo sa COVID-19 at 21 mga nasawi.
Sinasabing 10 porsyento raw sa mga kaso ng COVID noong unang bahagi ng Marso sa naturang bansa ay nag-ugat ang pagkahawa sa mahigit 2,000 sakay matapos na bumaba sa cruise ship.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) unang na-monitor ang pagpasok ng Ruby Princess kahapon sa karagatang sakop ng Pilipinas kung saan umalis ito ng port Kembla na nasa south of Sydney sa Australia noong April 23.
Nito namang alas-8:00 ng umaga ay sumama na ito sa 13 pang mga cruise ships na nakahimpil sa bahagi ng Manila Bay Anchorage.
Nagpalipad naman ng choppers ang Coast Guard upang mag-escort at bilang bahagi rin ng kanilang aerial surveillance.
Ipinakita ng Philippine Coast Guard sa mga kuha nito sa video kung gaano kagara at napakalaki ang naturang luxury ship.
Una nang kinumpirma ni PCG spokesman at Commodore Armand Balilo, na merong 214 na mga Pinoy seafarers ang sakay ng barko.
Isasailalim muna ang mga ito sa COVID-19 RT-PCR testing bago makauwi sa kanilang pamilya.
Kung mag-negative sa swab test ang isang Pinoy seaman bibigyan ito ng quarantine clearance pero kung magpositibo ay agad itong ihahatid sa COVID-19 referral hospital.
Samantala sa statement ng PCG umabot naman kahapon sa 1,912 Filipino crew members mula sa pitong cruise ships ang natapos na ng Sub-Task Group na isailalim sa COVID tests.
Ang kanilang specimen ay isasailalim sa pagsusuri ng Philippine Red Cross at malalaman ang resulat sa loob ng 48 oras.