“Good vibes” na may kasamang pasaring ang tila sagot ni Ruffa Gutierrez sa mga naging patutsada ni Kris Aquino sa isang campaign rally na mistulang tumutukoy sa senatorial bet na si Herbert Bautista.
Nabatid na si Bistek ay dating karelasyon ng kinikilala noon bilang “Queen of All Media,” habang ang Miss World 1993 second runner-up naman ang rumored girlfriend nito sa kasalukuyan.
Hanggang ngayong araw, makahulugan ang mga caption na inilagay ng 47-year-old beauty queen turned actress sa kanyang mga post kabilang ang payo sa publiko na maging mabuti kahit sa “ex” at huwag aniyang ma-trigger na mag-react sa isang bagay.
Una rito, may hugot line si Kris sa campaign sortie ni presidential candidate Leni Robredo sa Tarlac nang maging paksa ang koneksyon daw ng paghahanap ng karelasyon sa pagpili ng boto na dapat aniya ay para sa reliable o maaasahan, bagay na hindi raw taglay ng kanyang ex bagama’t hindi naman niya ito direktang tinukoy.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na ang tanging ex niya na kabilang sa Uniteam ay ang dating alkalde ng Quezon City.
“O, ‘wag niyo iboto ‘yun, ha. Sayang ang boto dahil ‘di marunong tumupad sa mga pinangako. Deadma please,” saad pa nito.
Kasunod nito ay tinawag na uli ni Kris ang kaibigang aktres na si Angel Locsin para ipagpatuloy na ang mensahe nito sa audience.
Kung maaalala, mahigit dalawang buwan ang nakakaraan mula nang isapubliko ni Kris ang kanyang naranasang health scare at unang public appearance nito ang pagdalo sa campaign rally ni Robredo.