-- Advertisements --

Binaha ng panunukso at kilig comments ang pambihirang online post ni Ruffa Gutierrez kasama ang rumored boyfriend na si Herbert Bautista.

Ito’y kasunod ng agaw-pansing caption ng 47-year-old beauty queen turned actress, na tila ba umamin na ito sa tunay na nararamdaman para sa 53-year-old actor politician.

Kalakip ang video ng paglilibot ni Bistek para sa kampanya nito bilang senatorial aspirant, inihayag ng Miss World 1993 second runner-up na #1 sa puso niya si Bistek.

“#MySenatorMadeItToTop12” dagdag pa nito sa kanyang post kagabi.

Nabatid na unang pagkakataon na pumasok si Herbert sa “Magic 12” ng senatoriables base sa latest Pulse Asia survey na isinagawa mula February 18 to 23. Nakakuha ito ng Herbert ng 32.8 percent rating at mahigpit niyang kalaban sa 12th spot sina Risa Hontiveros na may 32.3%, at JV Ejercito (31.6%).

Isa sa mga nagkomento ay ang entertainment personality na si Tim Yap na siyang nagsabi na maituturing daw na “Instagram official” na ang dalawa. Base sa urban dictionary, ang “Instagram official” ay tumutukoy sa relationship status ng isang couple na nagbahagi ng litrato sa Instagram.

Taong 2003 nang ikinasal si Ruffa sa Turkish businessman na si Yilmaz Bektas, pero naghiwalay noong 2007.

Sa showbiz naman, kabilang sa mga naging karelasyon niya ay sina Zoren Legaspi, Aga Muhlach, at John Lloyd Cruz.

Nakatakdang magtapos sa kolehiyo ang anak ni Annabelle Rama sa darating na Hulyo sa kursong Bachelor of Arts major in Communication Arts sa Philippine Women’s University.