Nananatiling tahimik pa ngayon ang actress na si Ruffa Gutierrez sa inilabas na hatol na guilty laban sa nobyo nitong si actor at dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Nahatulang guilty ng Sandiganbayan si Bautista at dating city administrator nito na si Aldrin Cuña dahil sa graft.
Nagbunsod ang kaso sa pagpapalabas ni Bautista ng P32.107 milyon bilang kabuuang bayad sa isang Information Technology firm para sa pagbili ng mga online occupation permitting and tracking system noong 2019.
Pumasok umano si Bautista sa isang kontrata at inaprubahan ang paglabas ng kabuuang bayad kahit hindi pa nai-deliver ang proyekto at ang kawalan ng ordinansa na inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod.
Sa inilabas na 148 pahinang desisyon ng Special Seventh Divison, napatunayang guilty beyond reasonable doubt sina Bautista at Cuña dahil sa paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Noong Hunyo 2024 ng inamin ng actress na mayroon silang relasyon ng komedyante at dating pulitiko na si Herbert Bautista.
Sinabi naman ng abogado ni Bautista na si Atty. Nilo Divina na kanilang i-aapila ang nasabing kaso sa Sandiganbayan.