VIGAN CITY – Pinag-aaralan na ng Department of Energy (DOE) ang mga kasalukuyang rules and regulations sa pagpapatayo ng planta sa bansa kaugnay ng nararanasang manipis na reserba ng kuryente na nagiging rason ng madalas na pagsasailalim sa yellow at red alert ng Luzon grid.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Director Mario Marasigan ng Department of Energy-Electric Power Industry Bureau na posibleng ito umano ang isa sa mga rason kung bakit naaantala ang pagpapatayo ng planta sa bansa na nagiging rason kung bakit kaunti o di kaya naman ay manipis ang reserba ng kuryente.
Una nang sinabi ni Marasigan na walang kinalaman ang malakas na lindol na nangyari sa Central Luzon sa mga nararanasang rotational brownout sa ilang bahagi ng bansa.
Sinabi rin nito na maayos na ang nasirang planta na naapektuhan ng lindol ngunit may mga planta pa ring nagkakaroon ng problema sa kanilang operasyon.
Tiniyak nito na pinag-aaralan na rin ng energy department ang pagsasampa ng karampatang kaso laban sa mga energy companies kung bakit hindi nila maibalik ang dati nilang kapasidad na magbigay ng kuryente na sanhi ng pagkakaroon ng rotational brownout.