-- Advertisements --
CHIEF JUSTICE SC PERALTA CJ

Nais ngayon ng Supreme Court (SC) na luwagan ng Judicial and Bar Council (JBC) ang rules sa pagpili sa susunod na punong mahistrado ng Korte Suprema mahigit isang buwan bago ang early retirement ni Chief Justice Diosdado Peralta na magreretiro sa Marso 27.

Sa limang pahinang en banc resolution na may petsang Pebrero 9, 2021, inirekomenda ng kataas-taasang hukuman na bawasan ang mga panuntunan sa pagpili ng susunod ng chief justice ng pinakamataas na korte sa bansa.

Sa kanilang resolusyon, hiniling ng SC sa JBC na siyang naatasang pumili para sa shorlist ng mga nominees na isusumite sa pangulo ng bansa na huwag nang obligahin para sa public interview ang limang most senior na mahistradong otomatikong nominated sa posisyon.

Sa ngayon, ang limang pinaka-senior na mahistrado ng Korte Suprema ay sina Justices Marvic Leonen, Estela Perlas-Bernabe, Alfredo Benjamin Caguioa na tanging natitira na lamang na appointee ni dating Pangulong Noynoy Aquino at Justices Alexander Gesmundo at Ramon Paul Hernando na appointee na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Maliban dito, nais din ng SC na i-waive na ang pagsusumite ng mga mahistrado ng medical certificate at psychological records, bank accounts, case loads maging ang mga reklamo laban sa isang aplikante.

Ang dokumento na lamang na ipapasa ng aplikante ay ang kanyang formal letter na nagsasaad ng kanyang intensiyon na mag-apply sa naturang posisyon.

Paliwanag naman ng Korte Suprema, ang mga nakaupong senior justices ay hindi na dapat pang magsumite ng mga requirement dahil ang mga ito ay nadetermina na bago sila maging associate justice ng Korte Suprema.

Para sa kataas-taasang hukuman kung dadaan na naman ang mga nominees sa parehong proseso ay ikinukonsidera na nila itong “undue burden.”