CAUAYAN CITY – Kontento ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa naging hatol ng korte laban sa mga pangunahing akusado sa Maguindanao massacre case.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, presidente ng IBP national chapter na natuwa sila dahil lahat ng mga principal accused ay hinatulan ng reclusion perpetua ng walang parole.
Sinabi pa ni Atty. Cayosa na kailangan ding intindihin ang mahalagang mensahe ng hatol sa mga akusado na namayani ang rule of law anuman ang estado sa buhay, mayaman man o mahirap, maimpluwensiya o hindi.
Pinuri rin niya ang pagpapakita ng tapang ni Judge Joselyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221, private at public prosecutors at defense counsel na tinapos hanggang sa huli ang kaso sa kabila na ito ay mahirap, mapanganib at nakakapagod.
Sinabi pa ni Atty. Cayosa na dapat ding unawain si Judge Solis-Reyes na natagalan ang pagbaba ng hatol dahil sa dami ng mga akusado na umabot sa 197 at mahigit 200 ang mga testigo.
Sinabi pa ni Atty. Cayosa na ang desisyon ay eye opener sa mga mamamayan na hindi lahat ng mga abusadong makapangyarihan at mayaman ay hindi napapanagot ng batas.
Samantala naniniwala rin naman ang opisyal ng IBP na marapat na mabigyan ng pagkilala si Judge Solis- Reyes sa kanyang hatol sa mga akusado sa Maguindanao massacre case.
Ayon kay Atty. Cayosa, hindi matatawaran ang katapangan ni Judge Reyes maging ng mga abogado at fiscal.
Nabigyan din aniya ng hustisya ang mga biktimang nadamay sa massacre dahil nagkataon lamang na napadaan sila sa highway kung saan dumaan ang convoy ng mga biktima na hinarang at pinagbabaril ng grupo ni dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.