KALIBO, Aklan – Nakapiling na ng isang overseas Filipino worker (OFW) na minaltrato ng amo sa Kuwait ang kanyang dalawang anak sa tulong ng Bombo Radyo Kalibo.
Bumisita sa broadcast center ng Bombo Kalibo ang OFW na si Marylyn Angor ng Brgy. Tigayon, Kalibo, Aklan kasama ang kanyang dalawang anak na babae na pawang mga menor de edad upang ipaabot ang kanilang labis na pasasalamat matapos na ligtas itong nakauwi.
Naging emosyunal si Angor dahil sa dinami-dami umano ng mga runaway OFWs sa shelter ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuwait ay agad siyang nailipat sa shelter ng Public Authority for Manpower (PAM) dahilan na naging mabilis ang pagproseso ng kanyang pag-uwi.
Sinabi pa nito na simula na makipaghiwalay sa asawa, nakipagsapalaran siya sa Kuwait para mabigyan ng mas magandang buhay ang mga anak.
Pero pagdurusa ang sinapit niya sa kaniyang amo dahil sa ginagawang pananakit sa kanya, kung saan, may pagkakataon na hinagisan siya ng kutsilyo at maswerteng hindi tinamaan.
Kasama sa kanyang pinasalamatan si Jack Arroyo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 6 at isang Joylyn Francisco na taga-Iloilo na isa ring OFW na siyang nakipag-ugnayan sa Bombo Kalibo.
Hiling din niya na magkaroon ng scholarship ang mga anak at livelihood assistance para sa kanya.