Nagkasundo ang magkabilang panig ng Russia at Ukraine na magbigay ng humanitarian corridors para sa mga sibiliyan na naipit sa kaguluhan ngayon sa Ukraine.
Kinumpirma ito ni Russian deligation head Vladimir Medinsky sa pagtatapos ng naging pag-uusap ng dalawang delegasyon para sa ikalawang yugto ng peace talks sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Kwento ni Medinsky, pahinggil sa tatlong paksa ang kanilang tinalakay, kabilang na dito ang militar, international at humanitarian, habang ang pangatlo naman ay tungkol sa isyu ng future political regulation.
Bukod sa pagbibigay ng humanitarian corridors para sa mga sibilyan ay nagkasundo rin ang dalawang bansa sa posibleng pansamantalang tigil-putukan sa mga lugar kung saan nangyayari ang paglikas.
Sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni senior Ukrainian official Mykhailoi Podolyak na hindi nakamit ng Ukraine ang lahat kasunduang kinakailangan nito sa pagtatapos ng ikalawang round ng pakikipag-usap nito sa Russia.
Samantala, ipinahayag naman ng isa pang miyembro ng Russian delegation na nagkasundo ang dalawang panig na muling magpulong para sa ikatlong pagkakataon na mangyayari aniya sa takdang panahon.
Sa ngayon ay hindi pa nagbibitaw ng espisikong petsa ang mga kinauukulan sa hinggil sa kung kailan at saan gaganapin ang nasabing pangatlong round ng negosasyon ng Russia at Ukraine.