-- Advertisements --

Naghahanda na umano ang mga health authorities sa bansang Russia para simulan ang mass vaccination campaign laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Oktubre.

Ayon kay Russian Health Minister Mikhail Murashko, ang mga doktor ay guro ang prayoridad na mabakunahan.

Sinabi pa ni Murashko, tapos na raw ang Gamaleya Institute, isang research facility sa Moscow, sa kanilang isinagawang clinical trials sa isang bakuna at inihahanda na raw ang mga dokumento para maiparehistro ito.

Batay naman sa iba pang mga source, aaprubahan na raw ng mga regulators ang unang potensyal na bakuna ng Russia ngayong buwan.

Gayunman, naghayag ng kanilang pagkabahala ang ilang mga eksperto sa mabilisang pagproseso ng Russia.

Ayon kay Dr. Anthony Fauci, director ng National Institute for Allergy and Infectious Diseases sa Estados Unidos, umaasa ito na sinusuri talaga ng Russia at China ang ginagawa nilang bakuna bago nila ito gamitin sa publiko.

Kailangan din daw na magkaroon na ang US ng “safe and effective” vaccine sa katapusan ng taon.

“I do not believe that there will be vaccines so far ahead of us that we will have to depend on other countries to get us vaccines,” wika ni Fauci. (BBC)