-- Advertisements --

Itinuro ngayon ni US Secretary of State Mike Pompeo ang Russia bilang may pakana umano ng itinuturing na pinakamalalang cyber attack sa gobyerno ng Estados Unidos.

Ayon kay Pompeo, sa loob ng ilang buwan ay pinasok umano ng Russia ang ilang mga US government agencies at private firms, maliban pa sa mga kompanya at gobyerno sa ibang panig ng mundo.

“There was a significant effort to use a piece of third-party software to essentially embed code inside US government systems,” wika ni Pompeo.

“We can say pretty clearly that it was the Russians that engaged in this activity,” dagdag nito.

Maliban sa US energy department, kabilang din sa mga federal agencies na pinuntirya ng sinasabing sopistikadong cyber espionage operation ay ang Treasury at ang Departments of Homeland Security, State, Defense at Commerce.

Sinabi pa ni Pompeo, inaalam pa raw sa ngayon ng mga imbestigador sa Amerika ang mga karagdagang impormasyon tungkol sa naturang pag-atake.

Una nang minaliit ni US President Donald Trump ang cyber attack at iginiit na ito ay “under control.”

Hindi rin daw naniniwala si Trump na Russia ang nasa likod nito, at sa halip ay kanya naman sinisi ang China.

Itinanggi naman ng Russia na may kinalaman sila sa naturang cyber attack. (BBC)