Naghahanap ang Russia ng mga manggagawa para maghukay ng trenches o isang makipot na kuta bilang line of defense sa gitna ng pag-abanse pa ng Ukraine forces sa kanilang teritoryo, 9 na araw mula ng ilunsad nila ang sorpresang pag-atake sa Kursk region.
Sa isang advertisement mula sa Russian website, nag-aalok ang isang construction company sa karatig rehiyon na Bashkortostan ng trench-digging jobs sa Kursk region na may sahod na $1,600 hanggang $4,000 kada buwan o katumbas ng P91,243.20 hanggang P228,108 kada buwan. Ang work schedule ay “round the clock” o buong araw at gabi nang walang tigil.
Sagot na rin ng kompaniya ang 3 beses na pagkain ng mga trabahador kada araw at lahat ng mga kailangang kagamitan, damit, transportasyon.
Samantala, base sa satellite images sa nakalipas na 2 araw, makikita ang mahabang trench na hinukay sa countryside malapit sa city ng Lgov sa Kursk region ng Russia na mistulang bagong defensive structure sa parte ng Russian forces sa gitna ng nagpapatuloy na cross-border incursion ng Ukrainian military.
Lumalabas na ang naturang trench na hinukay ay malapit sa mga pangunahing highway at rail line.
Ang Lgov kung aan malapit ang hinukay na trench ay may layong 60 kilometers mula sa Ukraine border at 40 kilometers naman mula sa lugar na napasok na ng Ukrainian troops.