Kasunod ng pagpayag ng US na magamit na ng Ukraine ang mga long-range missile nito, nagbabala ngayon ang Russia na kanila itong ituturing bilang panibagong dagdag-tensyon sa Russia-Ukraine war.
Ayon kay Russian Press Secretary Dmitry Peskov, kung totoo mang nagbigay ang US ng permission para magamit ng Ukraine ang mga naturang missile, nangangahulugan itong lalo pang lumalalim ang umano’y ‘involvement’ ng US sa nagpapatuloy na giyera.
Ayon kay Peskov, ang naging hakbang ni Biden ay hayagang pakikisawsaw o pagdaragdag ng tensyon sa giyera sa pagitan ng dalawang bansa, sa kabila ng ilang linggo na lamang na natitira sa administrasyon ng outgoing US president.
Itinuturing aniya ito ng Moscow bilang probokasyon sa panig ng White House.
Una nang nananawagan si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy sa US para sa authorization na magamit ang mga long range missile nito sa nagpapatuloy na giyera kontra Russia.
Sa panig naman ng Ukraine, kinumpirma ng pangulo nitong hindi pa ginagamit ang mga naturang missile.