-- Advertisements --

Nagbanta si Russian President Vladimir Putin na sususpindihin niya ang mga kontrata sa supply ng gas sa ilang mga bansa sa oras na mabigo ang mga ito na sumunod sa kanyang demand na magbukas ng ruble account sa Russian banks upang makabili ng Russian natural gas.

Ito ay matapos na lagdaan ni Putin ang isang decree na nagsasaad ng mga batas na kinakailangang magbayad ng Western countries para sa gas na binibili nito sa pamamagitan ng Russian bank na magko-convert naman ng foreign currency sa rubles na epektibo na ngayon araw, April 1.

Ituturing aniya ng Russia na isang paglabag sa mga obligasyon sa panig ng buyer kung sakaling hindi nito sundin ang naturang paraan ng pagbabayad, at titiyakin daw ni Putin na haharap ito sa mga consequences.

Samantala, mariin naman itong tinanggihan ng mga bansang Germany at France sa kadahilanang ang naging pahayag daw na ito ng Russia ay hindi katanggap-tanggap, breach of contract, at black mailing.

Sinabi ni Germany Economy Minister Robert Habeck na handa ang kanilang bansa para sa lahat ng posibleng scenario, kabilang na ang pagkawala ng supply ng Russian gas sa Europa.

Habang kasalukuyan naman nang naghahanda ang France para sa posibilidad na ihinto ng Russia ang delivery nito sa kanilang bansa, ayon naman kay French Finance Minister Bruno Le Maire.

Sa kabilang banda naman ay ipinagbawal na ng Estados Unidos ang anumang pag-import ng langis at gas mula sa Russia.

Ngunit ang European Union, na 40% ng kanilang gas supply ay mula sa Russia, ay nagpapatuloy pa rin sa kanilang deliveries mula sa Moscow.

Ang hakbang na ito ni Putin ay nakikita ng ilan na kanyang paraan upang iligtas ang ekonomiya ng Russia sa kabila ng mga patung-patong na sanctions na ipinataw ng US at iba pang Western countries nang dahil sa naging pananalakay nito sa Ukraine.