Nangako umano ang Russia na magbabawas na ito ng operasyong militar sa paligid ng Kyiv at Chernihiv.
Ipinahayag ni Russian Deputy Defense Minister Alexander Fomin na ito ay upang mapataas ang mutual trust sa pagitan ng dalawang bansa at gumawa ng mga kinakailangang kondisyon para sa karagdagang negosasyon para sa pagkamit ng pinaka-layunin nito na pagsang-ayon at pagpirma sa isang kasunduan.
Bukod sa Kyiv at Chernihiv ay hindi binanggit ni Fomin sa kanyang pahayag ang iba pang lugar sa Ukraine kung saan nagaganap din ang iba pang mabibigat na labanan, kabilang na ang Mariupol, Sumy, Kherson, at Mykolaiv.
Samantala, hindi naman kumbinsido sa nasabing hakbang ng Russia ang Estado Unidos.
Ayon sa isang US official, ang naturang pag-atras ng tropa ng Russia sa Kyiv ay hindi nangangahulugang natuldukan na ang kaguluhan dito.
Dahilan kung bakit walang sinuman ang dapat na malinlang sa anunsyo na ito ng Russia dahil posible raw na “redeployment” ito at hindi “withdrawal” ang plano nito.
Paliwanag ng opisyal, nabigo ang Russia na tuluyang kubkubin ang Kyiv, at nabigo rin ito sa layuning sakupin ang buong Ukraine, ngunit maaari pa rin itong magdulot ng malawakang pagsalakay sa bansa, kabilang na ang nasabing lungsod.
Dahil dito ay binabalaan ang lahat na maging handa sa mas malalang pag-atake pa ng Rusia sa iba pang bahagi ng Ukraine.
Magugunita na una rito ay sinabi ni U.S. President Joe Biden na napagkasunduan nila kasama ang European leaders na hintayin sa ngayon kung ano ang iaalok ng Russia at abangan ang mga susunod pang hakbang nito.