-- Advertisements --

Lumalabas sa mga bagong satellite image na inilabas ng isang kompaniya ng teknolohiyang nakabase sa US na patuloy ang military build up ng Russia sa Crimea, Western Russia at Belarus, habang patuloy na tumataas ang tensyon sa Ukraine mula sa tatlong direksyon, na binibigyang-diin ang pangamba na ang Kremlin ay nagpaplano ng paglusob sa teritoryo ng Ukraine.

Sa Crimea, isang malaking deployment ng mga tropa at kagamitan ang naobserbahan ng Maxar sa mga larawang nakolekta noong Huwebes, ayon kay Stephen Wood, isang senior director sa kumpanya.

Ang deployment ay sa dating hindi na ginagamit na Oktyabrskoye airfield sa hilagang parte ng Crimean capital na Simferopol.

Tinataya ng Maxar na mahigit 550 troop tent at daan-daang sasakyan ang dumating sa site.

Ang iba pang mga site sa Crimea ay nakakita rin ng pagdagsa ng mga tropa at kagamitan, kabilang ang Novoozernoye, kung saan nagkaroon ng malawak na pag-deploy ng artillery at training exercises.

Ang mga bagong deployment sa Crimea ay naobserbahan sa parehong araw na dumating ang ilang barkong pandigma ng Russia, kabilang ang malalaking amphibious landing ship, sa Sevastopol, ang pangunahing daungan ng Crimea.

Sa Belarus, napansin ang tinatawag nitong “bagong deployment ng mga tropa, sasakyang militar at helicopter” sa paliparan ng Zyabrovka malapit sa lungsod ng Gomel, mga 15 milya (25 kilometro) mula sa border ng Ukraine.

Ito ang unang pagkakataon na nakita ang mga helicopter sa lugar.

Mukhang may field hospital din sa site.