Pinabulaanan ng Russian Foreign Ministry ang alegasyon ng Ukraine na binomba umano ng Russian air forces ang isang theatre sa Ukrainian port sa Mariupol City at sinabing lalabas ang katotohanan sa kabila ng mga pagtatangka umano na i-frame up ang Moscow.
Sinabi ni Russia’s Foreign Ministry spokeswoman Maria Zakharova na sinusubukan ng Kyiv na i-frame ang Russia.
Ito ay matapos na magpahayag ang Foreign Ministry ng Ukraine na naghulog umano ng malakas na bomba ang Russia sa nasabing teatro kung saan nananatili ang daan-daang mga sibilyan.
Pinasinungalingan ito ni Zakharova at sinabing hindi nagbobomba sa mga lungsod ang armed forces ng Russia gaano man aniya karami ang mga dinoktor na video na ipinapakalat ng NATO.
Itinanggi ng Defense Ministry ng Russia ang mga paratang na ito ng Ukraine at sa halip ay inakusahan ang Azov Battalion, isang Ukrainian militia, na pinasabog umano nito ang mga gusali na may hostages.
Sa isang statement ay sinabi ni Russia’s Defense Ministry spokesperson Igor Konashenkov na ang mga naglitawan ng Ukrainian footage ay nagpapakita ng mga bintana ng kalapit na gusali ay buo at wala umanong ebidensya na bumagsak sa lupa mula sa himpapawid ang isang bomba.
Samantala, ang mga awtoridad naman ng Ukraine ay hindi agad na tumugon sa naging pahayag ng dalawang nabanggit na Russian Officials ukol dito.