-- Advertisements --

Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na may balak ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumili ng submarine pero hindi ito nakapaloob sa 2nd horizon ng revised AFP modernization program.

Sa panayam kay Lorenzana kaniyang sinabi na ang balak na pag-acquire ng AFP ng submarine ay nakapaloob sa ikatlong horizon.

Ayon sa kalihim ang nakikita nilang possible supplier ng bibilhing submarine sa mga susunod na taon ay ang bansang Russia o South Korea.

Bagamat sa 3rd horizon pa ito, inihayag ni Lorenzana na ngayon pa lamang ay tumitingin na sila gaya ng Korea at Russia.

Aminado ang kalihim na matatagalan pa na magkaroon ng submarine ang AFP posible aabot pa ito ng walo hanggang 10 taon dahil ang paggawa ng submarine ay aabot ng lima hanggang walong taon.

At sa sandaling i-order nila ito sa 3rd horizon at mai-deliver tiyak tapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang diin naman ng kalihim sa sandaling mayroon ng submarine ang AFP malaking tulong ito sa external security ng bansa.

Ang mga kapitbahay ng bansa ng Pilipinas gaya ng Malaysia, Indonesia, Singapore at Vietnam ay may mga submarine at ang Pilipinas na lamang ang wala.