-- Advertisements --

Inakusahan ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang Russia ng paglabag sa 30-oras na Easter ceasefire na iniutos ni Russian President Vladimir Putin, matapos ipagpatuloy ng mga Russian military ang mga pag-atake sa mga line front sa kabila ng anunsyo ng tigil-putukan.

Ayon kay Zelensky, mula nang magsimula ang ceasefire noong Sabado ng gabi, nagtala na ang Ukraine ng 59 kaso ng shelling at 5 assault na isinagawa ng Russia. Sinabi rin ng mga Ukrainian officials na may 387 kaso ng shelling at 290 paggamit ng drone ng Russia sa loob ng anim na oras noong Sabado.

Sa kabila ng mga alegasyong ito, nanindigan si Zelensky na patuloy nilang tututukan ang anumang mga atake at magsasagawa ng mga kaukulang hakbang upang protektahan ang kanilang mga lugar.

Habang ipinagdiriwang ang Orthodox Easter, marami sa mga Ukrainians ang nag-aalinlangan sa pagiging tapat ng Russia sa truce, ngunit umaasa pa rin sa isang mas matagal na tigil-putukan upang matigil ang labanan at mga patayan.