Inanunsiyo ni US President Joe Biden sa kaniyang pinakaunang State of the Union Address nitong araw ang pag-ban na rin sa lahat na mga Russian aircraft sa American airspace.
Naniniwala ang mga opisyal ng US na magkakaroon pa rin ng mga paraan para makaalis ang mga Amerikano sa Russia kung hindi makakarating ang mga flight ng Russia sa US.
Kabilang sa binabanggit na mga opsyon ay sa pamamagitan naman ng tren palabas ng bansa bilang isang posibilidad.
Sumama na rin ang US sa Canada at European Union sa pagsasara ng airspace nito sa mga sasakyang panghimpapawid ng Russia.
Bago inihayag ng pangulo ng European Commission na si Ursula von der Leyen na isasara ng buong EU ang airspace nito sa mga eroplano ng Russia, ilang mga bansa sa Europa – kabilang ang Germany, France at Italy ay nagawa na rin nila ito.
“Tonight I’m announcing that we will join our allies in closing off American airspace to all Russian flights, further isolating Russia and adding additional squeeze on their economy,” ani Pres. Biden.
Samantala sinabi rin ni Biden na target na ng Department of Justice ang mga Russian oligarchs.
Nilalayon ng US na habulin ang mga oligarko o mayayamang mga Russian na sumusuporta kay Russian President Vladimir Putin.
Inihayag din ni Biden na “maling mali sa kaniyang kalkula” si Putin nang iutos na salakayin ang Ukraine.
Binuksan ni Biden ang kanyang State of the Union Address sa pamamagitan ng direktang pagtawag kay Russian President Vladimir Putin.
Aniya, wala raw ideya ang “diktador” na lider kung ano ang darating.
Nanindigan ito sa pagsasabing “we are ready, we are united.”