Inaresto na ng mga otoridad ang Russian-American vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy dahil sa ginawang pang-babastos nito sa ilang mga Pinoy sa Bonifacio Global City.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI) na ang 33-anyos na si Zdorovetskiy ay itinuturing na ngayon bilang undesirable foreign national.
Ang pagkakaaresto sa inireklamong dayuhan ay matapos ang ilang serye ng reklamo mula sa security guards ganun din sa empleyado ng mga mall sa lungsod ng Taguig nitong umaga ng Marso 31.
Kasama ng BI na umaresto ang tauhan ng Makati City PNP at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nasa kustodiyan na ang dayuhan sa Immigration facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang pagproseso ng kaniyang deportation.
Magugunitang sa video ng dayuhan ay pinag-laruan pa nito ang suot na sumbrero ng guwardiya ng mall at tinangka pa nitong agawin ang baril.
Tinangka pa nitong kunin ang industrial fan mula sa kainan at dinala sa hotel kung saan ito nanunuluyan.
Nagsimula na rin ang pagkalat ng petition sa Change.Org para pagbawalan si Zdorovetsky sa lahat ng mga social media dahil sa cyberbullying sa Pilipinas.