Bukas si Russian President Vladimir Putin sa pakikipagdayalogo hinggil sa mga usapan na may kaugnayan sa Ukraine.
Ito ang inihayag ni Putin sa isang panayam sa kasagsagan ng pagbisita nito sa China para sa kaniyang state visit sa naturang bansa.
Ayon sa Russian president, handang makipag-negosasyon ang Kremlin kaugnay sa nangyayaring sigalot ngayon sa Ukraine ngunit ang mga ito aniya ay dapat na isinasaalang-alang ang interes ng lahat ng mga bansang sangkot sa nasabing kaguluhan, kabilang na ang interes ng Russia.
Samantala, sa state visit ni Putin sa China ay bahagi ng kanilang pagpapamalas ng pagkakaisa sa pagitan ng naturang dalawang bansa.
Sa gaganaping mga pagpupulong nina Russian President Putin at Chinese President Xi Jinping ay inaaasahan ang mas pagbibigay-diin pa ng mga ito sa kanilang mga commitment sa walang hanggang relasyon na kanilang nilagdaan noong taong 2022 bago pa man magsagawa ng full-scale invasion ang Russia sa Ukraine.
Matatandaan na bago pa man ang state visit na ito ni Putin ay una nang nagsagawa ng opensiba ang Russia sa Northeastern region ng Ukraine na Kharkiv na nagsimula pa noong nakaraang linggo na dahilan naman kung bakit napilitang lumikas ang nasa 8,000 mga indibidwal, habang ikinasugat at ikinasawi rin ng ilang mga indibidwal.