Pinalutang ni Russian President Vladimir Putin na ang plane crash na nangyari noong Agosto 23 na kumitil sa lider ng Wagner mercenary force na si Yevgeny Prigozhin ay hindi external attack kundi dahil sa sumabog na hand grenades sa loob ng eroplano.
Ayon sa Russian leader, hindi tinamaan ng missile ang sinakyang jet plane nina Prigozhin gaya ng napapabalita.
Base din aniya sa pinuno ng investigative committee ng Russia, iniulat nito na nadiskubre ang bakas ng granada sa mga katawan ng mga biktimang nasawi sa pagsabog.
Hindi naman na idinetalye pa ng Russian leader kung paano sumabog ang granada sa loob ng eroplano subalit sinabi nito na dapat nagsagawa ang mga imbestigador ng drug o alcohol test sa mga labi ng mga biktima kung saan una na aniyang nadiskubre ang 10 billion roubles cash at 5 kilo ng cocaine sa opisina ng Wagner sa St. Petersburg.
Una ng pinasinungalingan ng Russian government ang pagkakasangkot ni Putin sa pagkasawi ng Russian mercenary leader.
Matatandaang nangyari ang jet crash dalawang buwan matapos ang naudlot na pag-aalsa ni Prigozhin laban sa liderato ng militar ng Russia makaraang pumagitna si Belarusian President Alexander Lukashenko na nagwakas sa maikling rebolusyon ng Wagner.