-- Advertisements --

Nagbanta si Russian President Vladimir Putin sa lahat ng bansa na nasa Kanluran na huwag nang subukan ang kakayahan ng bansa sa pamamagitan ng paglagpas ng mga ito sa tinaguriang “red line.”

Magdudulot daw kasi ito ng “assymetrical, mabilis at marahas” na pagtugon ng Russia.

Ginawa ni Putin ang babala sa isinagawang taunang state of the nation speech nito.

Sa naging talumpati ng Russian president, ibinahagi nito na nagpapatuloy ang bansa sa pagtaguyod ng magandang relasyon kasama ang ibang mga bansa.

Nag-alok din ito ng imbitasyon sa iba’t ibang bansa upang talakayin ang mga isyu na may kaugnayan sa strategic weapons at pagtitiyak sa global stability.

Nagbigay pa ng suhestyon si Putin sa mga bansa na huwag bahiran ng anuman ang magandang intensyong ito ng Russia. Masyado na raw kasing nasasanay ang ibang mga bansa na isisi lahat sa Russia na para bang isa lang itong laro.

Matagal na aniyang nagtitimpi ang Russia sa mga natatanggap nitong paninisi mula sa mga pangyayari na wala naman talaga silang kinalaman o koneksyon.

Kung sakali aniya na isipin ng mga bansa na ang magandang intensyon na ito ng Russia ay isang kahinaan, hindi raw magdadalawang isip si Putin na putulin kaagad ang anumang koneksyon sa bansang ito.

Ang mga maaanghang na pahayag na ito ni Putin ay kasunod na rin ng ipinataw na bagong economic at diplomatic sanctions ng Estados Unidos laban sa Russia.

Ito ay dahil sa paniniwalang sinubukan umano ng huli na makialam noong 2020 U.S. elections at naranasang cyberattacks ng mga kumpanya at institusyon sa Amerika.