VATICAN CITY — Nagsagawa ng pulong sina Russian President Vladimir Putin at Pope Francis sa Vatican nitong Huwebes, isang araw bago ang pagtungo doon ng mga Catholic leaders ng Ukraine upang talakayin ang krisis sa kanilang bansa.
Sa gitna na rin ito ng mga ispekulasyon na ang pagdalaw na ito ni Putin ay prelude sa unang beses na pagbiyahe naman ng Santo Papa patungong Russia.
“Thank you for the time you have dedicated to me,” wika ni Putin sa pagtatapos ng 55 minuto ng pag-uusap nila ni Francis.
“It was a very substantive, interesting discussion,” dagdag nito.
Nahuli ng isang oras ang pagdating ni Putin sa Fiumicino Airport, at agad na dumiretso ang kanyang convoy sa Rome at Vatican City kung saan nito tinagpo ang Catholic pontiff para sa closed-door talks.
Matatandaang na-late si Putin sa lahat ng tatlong pagkikita nila ni Francis kung saan huli itong nangyari noong 2015 nang hinimok ng Santo Papa ang lahat ng panig sa gusot sa Ukraine na gumawa ng “sinserong hakbang” para sa kapayapaan.
Matapos ang kanyang lakad sa Vatican, makikipagkit naman itong sunod sa pangulo at punong ministro ng Italy at inaasahang babalik din sa Moscow bago magtapos ang araw. (Reuters)