-- Advertisements --

Nagbabala si Russian President Vladimir Putin na lilinisin niya ang mga traydor na Russian na umano’y palihim na nagtatrabaho para sa Estados Unidos at mga kaalyado nito.

Ito ay matapos na gambalain ng isang producer na si Marina Ovsyannikova ng Channel One na state media ng Russia ang isang programa kung saan ay nagdala ito ng isang karatula sa likod ng news anchor na may mga katagang “nagsisinungaling sila sa iyo”.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Putin na sinuman, partikular na ang mga Russian, ay agad na makikilala kung sino ang makabayan at sino ang mga traydor.

Aniya ang mga traydor ay agad na iluluwa tulad ng isang insekto na hindi sinasadyang lumipad sa loob ng bibig ng tao.

Kumbinsido rin ang Russian president na natural lamang aniya at mahalaga ang self-cleasing ng lipunan upang mapalakas pa ang solidarity, cohesion, at kahandaan ng kanilang bansa sa pagharap sa mga pagsubok.

Tinawag din ni Putin na traydor sa kanilang inang bayan ang mga Russian na namumuhay ng extravagant sa ibang bansa at sinabing ang mga expatriate na iyo ay handang ibenta ang kanilang bayan dahil sumisimpatya aniya ang mga ito sa West.

Magugunita na una nang ipinahayag ng Russia na ang kanilang ginagawang pagsalakay sa Ukraine ay isang “special military operation” na nagdulot naman ng pagkasawi ng maraming sibilyan kabilang na ang mga batang walang kamuwang-muwang.