Nagbabala si Russian President Vladimir Putin sa posibleng pagbibigay ng Russia ng long-range weapon sa ibang bansa para atakihin ang western targets.
Ito ay bilang tugon sa mga kaalyado ng western na NATO na nagpapahintulot sa Ukraine na gumamit ng kanilang mga armas para atakihin ang teritoryo ng Russia.
Nanindigan din ang Russian President sa kahandaan ng Moscow na gumamit ng nuclear weapons kapag nakita nilang may banta sa kanilang soberanya.
Saad pa ng Russian president na ang kamakailang aksiyon ng West ay sumisira sa pandaigdigang seguridad at maaaring humantong sa napaka seryosong problema.
Maghuhudyat aniya ito ng direktang pagkakasangkot ng West sa giyera laban sa Russian Federation at handa aniya silang kumilos sa parehong paraan.
Kung matatandaan nga ay pinayagan ng US at Germany ang Ukraine na tamaan ang ilang targets nito sa Russia gamit ang long-range weapons na kanilang ibinigay sa Kyiv.
Noong Miyerkules, sinabi ng isang western official at isang US senator na ginamit ng Ukraine ang US weapons para atakihin ang loob ng Russia sa ilalim ng bagong inaprubahang panuntunan mula kay US Pres. Joe Biden na nagpapahintulot sa mga armas ng Amerika na gamitin para sa limitadong layunin para depensahan ang Kharkiv region na ikalawang pinakamalaking lungsod sa Ukraine.