Papayagan pa ring makalaro ng mga prestihiyosong tennis tournaments na Wimbledon at French Open ang world’s number 1 at Russian star na si Daniil Medvedev.
Gayunman may kondisyon ang mga organizers na dapat manatili itong neutral at hindi kakampihan ang kanilang presidente na si Vladimir Putin sa inilunsad na giyera laban sa Ukraine.
Una nang iniutos ng ilang global sports body ang pag-ban sa lahat ng mga athletes ng Russia at Belarus na lumahok sa mga tournaments at paggamit ng Russian flags at national anthem.
Si Medvedev, 26, ay inalis na rin ang kanyang Russian flag sa kanyang social media accounts at tournament representation.
Kamakailan lamang naglaro siya sa Mexico at tiniyak na siya ay neutral.
Giit ni Medvedev, isinusulong niya ang kapayapaan para sa buong mundo.
Samantala ang French Open ay gaganapin mula May 22 hanggang June 5, habang ang pinaka-enggrandeng Wimbledon sa United Kingdom ay nakatakda naman na magsimula sa June 27.
Ang UK ay kabilang sa mga bansa na nagpataw ng mabigat na economic sanctions laban sa Russia at mga tinaguriang oligarchs.