Nanindigan si Ukraine President Volodymyr Zelensky na wala siyang intensiyon na lisanin ang Kyiv, ang lugar kung saan matatagpuan ang kaniyang quarters.
Ito ay sa kabila ng maramihang pag-atake ng missile ng Russia sa Kyiv.
Aniya, naniniwala siyang siya ang kasalukuyang numero unong target ng Russia.
Sinabi ni Zelensky na nasa 137 Ukranians na ang namatay sa bakbakan na kinabibilangan ng mga sibilyan habang nasa 316 ang sugatan.
Pinangangambahan na madadagdagan pa ang mga ito habang patuloy ang pag-usad ng mga sundalo ng Russia para makubkob umano ang ilang lugar ng Ukraine.
Inulit naman ng presidente ang kanyang mga panawagan sa western nations na gumawa ng higit pa sa pagbibigay ng parusang pang-ekonomiya sa Russia.
Iginiit nito na hindi sila natatakot sa Russia.
Napag-alaman na ang mga residente ng Ukraine ay pumunta na sa mga underground ng metro stations upang takasan ang unang araw ng pag-atake ng militar ng Russia sa bansa.
Kabilang ang matatandang mamamayan at mga sanggol na nasa mga stroller ang nagpapalipas ng gabi sa mga istasyon ng metro sa Kyiv at Kharkiv.
Marami ang nakabalot sa mga kumot at mainit na damit, at napapaligiran ng mga bag ng personal possessions.
Kung maalala, nagpatupad na rin ng magdamag na curfew sa Ukraine, at ang mga metro stations ay nanatiling bukas upang magsilbing mga bomb shelters.
Libu-libong Ukrainians ang umalis na sa kanilang mga tahanan upang makahanap ng kaligtasan sa mga kalapit na bansa – na sa pagtaya ng UN High Commissioner of Refugees ay hihigit pa sa 100,000.