Tila may halong panghihinayang ang dating action star na si Rustom Padilla sa kanyang pagbabalik tanaw bago maging si BB Gandanghari.
Sa kanyang vlog (video-blog), bakas na mas masaya naman si BB Gandanghari sa tuluyang pagladlad kompara aniya noong lalaki pa na nakakaramdam ng kakulangan.
Hindi rin nito nakalimutang banggitin ang aktres at ex-wife na si Carmina Villaroel na una niya nang sinabi na kanya pa ring liligawan kung magiging lalaki pa uli.
Paglalarawan pa ng 53-anyos na minsang naging heartthrob, “right love, but at the wrong time and wrong body,” ang kinahinatnan ng tatlong taong pinagsamahan nila ni Carmina bago naghiwalay noong 1997.
“Hindi ko naman naiisip noon na bilang Rustom, magpapatawag ako na BB after 21 years or 31 years? I really don’t know,” saad nito sa kanyang vlog.
Sa ngayon ay happily married na ang 44-anyos na si Carmina sa aktor na si Zoren Legaspi at mayroon nang kambal na anak.