-- Advertisements --
Sobejana
Westmincom chief Maj. Gen. Cirilito Sobejana

Nakapasok sa bansa sa pamamagitan ng backdoor ang pitong banyagang terorista na kasa-kasama ngayon ng teroristang Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiyah sa Western Mindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WestMinCom) commander, Lt. Gen. Cirilito Sobejana, patuloy ang kanilang assessment at evaluation kung talagang sa southern backdoor sa bahagi ng Tawi-Tawi dumaan ang mga banyagang terorista para makapasok sa bansa.

Inihayag naman ni Sobejana na maraming paraan na maaaring gamitin ng mga terorista sa pagpasok sa bansa, pero hindi malayong gamitin ng mga ito ang backdoor.

Dahil dito, paiigtingin ng militar ang kanilang air and maritime assets sa Western Mindanao para ma-monitor ang mga banyagang terorista na nagtatangkang pumasok sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni Sobejana, palalakasin din nila ang kanilang koordinasyon sa Bureau of Immigration (BI) at sa iba pang government agencies dahil ang pagtugon sa nasabing problema ay nangangailangan ng “whole of government approach.”

Samantala, una nang tinukoy ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang nationality ng pitong foreign terorrist na nakapasok sa Western Mindanao.

Aniya, ang mga ito ay Egyptian, Malaysian, Indonesian at Singaporean.

Inihayag ni Lorenzana na nakakapasok ang mga dayuhang terrorista sa bansa sa pamamagitan ng maliit na bangka galing Malaysia o Indonesia patungo sa Tawi tawi hanggang sa makarating sa lalawigan ng Sulu.

Hinimok naman ng kalihim ang NCRPO at ang iba pang malalaking siyudad sa bansa kaugnay sa lone wolf attack.

Naniniwala ang kalihim na malaki ang posibilidad na magkaroon ng spill over kaugnay sa nangyayaring terroristic activities sa Mindanao.

Giit pa ng kalihim na dapat higpitan ang seguridad sa mga paliparan at pantalan para maiwasan ang pagpasok sa bansa ng mga terorista.