-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa kumukuha ng supply ng iligal na droga ang mga nahuli sa twin drug bust operation na pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit at Pavia Municipal Police Station.

Ang mga arestado ay ang mag-inang Jennifer Nosotros at anak nito na si John Rey Nosotros na isang criminology student, residente ng Barangay Buntatala Jaro, Iloilo City at kanilang downline na si Lalaine Ereño ng Zone 5 Calaparan, Arevalo, Iloilo City.

Sina Nosotros ang nahulihan ng kalahating kilo ng shabu na may halagang P6.3-milyon sa Ungka, Pavia, Iloilo at P1.1-milyon naman ang halaga ng shabu na nakuha kay Ereño sa Calaparan, Arevalo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PMaj. Jojo Tabaloc, hepe ng Pavia Municipal Police Station, sinabi nito na si Nosotros ang kapatid ng High Value Target na si Jovan Abantao na nakakulong ngayon sa Bilibid.

Ayon kay Tabaloc, posible umanong nanggaling kay Abantao ang mga iligal na droga na kinukuha ni Nosotros at ibinibenta sa Iloilo.

Sa ngayon, nahaharap sa kasong paglabag sa section 5 ng Republic Act 9165 ukon Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nahuling mga durugista.