Naniniwala ang AFP na epektibo ang pinagsamang pagsisikap ng militar, local government units at ilang komunidad kaya pinakawalan ng bandidong Abu Sayyaf group (ASG) ang ilan nilang mga bihag.
Sinabi ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na sa kanilang obserbasyon, nagipit nang husto ang grupo ng Abu Sayyaf na pinamumunuan ni Alhabsy Misaya kaya pinakawalan na lamang ang tatlo pang Malaysian nationals na hawak nila.
Ayon kay Año, nakita ng mga bandido ang dami ng deployment ng militar kaya nag-alangan ang mga ito sa pakikipagbakbakan, kaya posibleng minabuti na lang na abandonahin o iwanan ang bitbit nilang mga bihag.
Maliban dito, wala rin aniyang napala na ransom demand ang mga bandido, habang panay na ang pagbibigay ng impormasyon sa kanilang pinagtataguan ng mga lokal na residente.
Sa ngayon, sinabi ng heneral na batay sa kanilang monitoring, okay naman ang kalagayan ng iba pang natitirang bihag ng ASG.
Kabilang pa aniya sa hawak ng ASG ay ilan pang Indonesian nationals, Vietnamese, Dutch nationals na umaabot pa aniya sa 20 habang pito naman ay mga Filipino.
Mula naman aniya noong 2015 ay wala na aniya siyang naririnig na ano pa mang impormasyon hinggil sa Japanese national na nauna nang binihag ng mga bandido, subalit mahirap pa aniya sa ngayon na ipalagay na patay na ito.
Samantala, maayos naman ang kalagayan sa ngayon ng tatlong Malaysian nationals na nailigtas nitong Linggo ng gabi ng Joint Task Force Sulu, na nasa pangangalaga ngayon ng Heneral Bautista Hospital Camp Bautista sa Jolo.