BAGUIO CITY – Inamin ng konsulada ng Pilipinas sa New Orleans, Louisiana na pahirapan ngayon ang pagmonitor at komunikasyon nila sa mga Pilipino doon na naapektuhan sa pananalasa ng Hurrican Ida.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Philippine Honorary Consul Robert Romero, sinabi niya na pinaka-naapektuhan sa pananalasa ng bagyo ang Louisiana at sa ngayon ay hindi pa “liveable” ang kondisyon nito dahil sa kakulangan ng pagkain, tubig at gasolina, kawalan ng linya ng komunikasyon, internet at kuryente at iba pa.
Aniya, nagkawatakwatak ang mga Pinoy sa New Orleans, kung saan, maging ito ay lumikas sa Monroe, Louisiana para lang magkaroon ng internet at linya ng komunikasyon para ma-contact ang mga kababayan.
Pangunahin aniyang inaalala niya ang sitwasyon ng mga Pinoy na offshore workers sa Louisiana dahil hindi niya masiguro ang kaligtasan ng mga ito.
Gayunman, patuloy ang pagpapaalala niya sa mga Pinoy sa New Orleans sa pag-iingat ng mga ito at sa agarang pag-contact sa kanya para sa kaukulang aksion at pagbigay niya sa nga ito ng kaukulang guidance.
Dinagdag nito na maliban sa epekto ngayon ng Hurricane Ida ay kinakaharap din nila ang epekto ng kasalukuyang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Samantala, ibinahagi ni Consul Romero na ang Hurricane Ida ay halos reflection ng Hurricane Katrina na nanalasa sa Amerika, halos 16 na taon na ang nakakaraan.
Naitala aniya ng Louisiana ang pinakagrabeng epekto ng Hurricane Ida dahil sa matagal na pananatili nito sa area of responsibility ng nasabing estado.
Napag-alaman na ang New Orleans ang pinaka-unang settlement ng mga kauna-unahang Pilipinong nag-migrate sa Amerika bago pa pormal na mabuo ang Estados Unidos ng Amerika.