Binatikos ni Sen. Risa Hontiveros ang umano’y ginagawang pag-iiba ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinakahuli umano rito ang pag-amin ng Pangulo na siya ang nagpa-ambush kay Daan Bantayan Mayor Vicente Loot.
Pero sa statement ni Panelo, sinabi nitong hindi lang sanay mag-Tagalog ang chief executive kaya mali ang naging intindi ng media sa pananalita nito.
Binanggit kasi ng presidente na “pina-ambush” niya si Loot, habang sa paglilinaw ni Panelo ay “na-ambush” talaga ang ibig sabihin ng Pangulo.
Ayon kay Hontiveros, ilang ulit nang inilalayo ng presidential spokesman sa totoong sinabi ng presidente ang mga inilalabas nitong pahayag.
“Kung may Google Translator, may Duterte translator din. Yan si Sec Panelo. Kapag sinabi ng Pangulo ang kulay ay pula, kay Sec Panelo, ito ay itim. Kapag nambastos ng kababaihan ang Pangulo, joke lang ito kay Sec Panelo. Kapag umamin ng pagpatay ang Pangulo, slip of the tongue lang ito kay Sec Panelo. Pero May “lost in translation” diyan. At ang lost ay ang katotohanan,” wika ni Hontiveros.