Nakamit ng Indiana Pacers ang kanilang ikalimang sunod na panalo matapos na ilampaso ang Denver Nuggets, 115-107.
Humataw nang husto para sa Pacers si Domantas Sabonis na pumoste ng triple-double na 22 points, 15 rebounds at 10 assists, na inalalayan ni Doug McDermot na ibinuhos ang 18 sa kanyang 24 points sa final canto para maisahan ang Denver.
Naglista rin ng tig-22 marka sina Malcom Brogdon at T.J. Warren para iligtas din ang Indiana sa 30-point performance ni big man Nikola Jokic.
Nagrehistro naman ng tig-16 points sina Jerami Grant at Will Barton para sa Nuggets, na sumabak kahit injured ang mga starters na sina Paul Millsap, Gary Harris at Jamal Murray.
Hawak ng Denver ang abanse sa halos kabuuan ng laro ngunit naisahan 41-26 sa fourth quarter.
Kumonekta ng 3-pointer si Brogdon sa huling segundo ng third quarter upang ihabol ang Pacers sa 81-74 patungo sa final period.
Naitabla naman sa 91 ang iskor nang magpaulan ng tira mula sa downtown sina McDermottt at Aaron Holiday, na sinundan pa ng layup ni McDermott sa 6:59 na nalalabi.
Salitan ang dalawang koponan sa paghawak sa abanse pero ang sunod-sunod na baskets ni Sabonis ang naglagay sa Indiana sa 104-99 sa huling 1:30.
Sa tulong din ni McDermott ay lumawig pa sa anim ang angat ng Pacers sa natitirang 1:08, na hindi na kaya pang mahabol ng Denver.
Tutungo sa Utah ang Pacers sa Martes, samantalang kukumpletuhin naman ng Nuggets ang back-to-back set sa nasabi ring araw sa Minnesota para simulan ang kanilang three-game road trip.