Sinisilip na ng Department of Energy (DOE) ang pinaghihinalaang sabwatan sa pagitan ng stakeholders na nagdulot ngayon ng sunod-sunod na kaso ng pagnipis sa supply ng kuryente sa Luzon.
Ayon sa DOE, pinulong na nila ang mga kawani ng powerplants sa rehiyon at inatasang magsumite ng report ukol sa mga insidente ng biglaang outage kamaikailan.
Nagpasaklolo na rin umano ang kagawaran sa Energy Regulatory Commission at Philippine Competition Commission para sa mas masusing pagsisiyasat sa kaso.
Sa isang press briefing nitong araw ipinaliwanag ni Energy spokesperson Usec. Wimpy Fuentebella ang posibleng nagdulot sa pagnipis ng energy supply.
“Ano ang nagca-cause niyan? Pagtaas ng demand, dahil summer, mainit, maraming gumagamit ng devices; at nabawasan yung mga powerplant,” ani Fuentebella.
“Meron tayong naka-schedule na 800-megawatts (na) parang mga empleyado na naka-scheduled leave, so hindi talaga siya papasok; yun yung pahinga niya (nung powerplants). May usapan yan sa mga powerplants na magme-maintenance sila pero hindi sabay-sabay.”
“Mayroon tayong apat na planta na 1,352-megawatts ang kayang ibigay na kuryente, (pero) wala sa schedule nawala o nasira.”
Nauna ng nanawagan ng imbestigasyon ang pinuno ng Senate Committee on Energy na si Sen. Sherwin Gatchalian dahil sa parehong hinala.
Ito’y matapos mabatid na pumalo sa P8 kada kilowatt hour ang presyo ng kuryente sa spot market.
“In-assure kami ng DOE dito nung humingi kami ng briefing and on record during the hearing, na may enough supply. Of course ang caveat dun ay walang masisirang planta pero ang tanong bakit may nasirang planta,” ani Gatchalian.
Ayon sa DOE otomatikong tumataas ang presyo ng kuryente sa merkado kapag nagkakaroon ng pagbaba sa supply nito.
Kaya para kay Gatchalian, posibleng alam ng mga stakeholders ang dahilan kung bakit nawala ang 1,400-megawatts o 5-porsyento ng 13,000 megawatts na kuryente ng Luzon Grid kasabay ng pagsasailalim nito sa red alert kahapon.
“Itong recurring issue na baka mag collude para tumaas ang presyo, dapat mawala ‘yan and the power plants should submit a report to the DOE precisely kung anong nangyari bakit nawala ang 1400 megawatts of power,†dagdag ng senador.
“It could be among themselves, among the power plants. I’m not saying may collusion but definitely, it needs an inquiry, ang laki ng nawalang supply.â€
Pero ayon sa Energy department, tiyak na hindi makakaranas ng brownout ang mga consumer dahil sa hawak na reserba ng Meralco sa kanilang Interruptible Load Program.