-- Advertisements --

Idedeploy ng Philippine National Police (PNP) ang mga Special Action Force (SAF) commando upang magbantay sa mga hotspot area pagsapit ng 2025 Midterm Elections.

Ayon sa PNP, babantayan ng mga ito ang mga presinto atbpang lugar na inaasahan o posibleng may mga mangugulo at mananakot para isabutahe ang isasagawang halalan.

Maaari ring ideploy ang mga commando sa mga lugar na hindi dating idineklara bilang hotspot o may matinding tunggalian sa pulituka ngunit kinalaunan ay natukoy na lumalala ang political rivalry.

Ang mga SAF commando ay dumaan sa matinding pagsasanay sa counterterrorism operations kapwa sa mga rural at urban area.

Ang mga ito ay may kapabilidad na magsagawa ng ‘unconventional’ warfare tactics laban sa mga masasamang elemento.

Nitong nakalipas na lingo ay tinukoy ng PNP ang 38 lugar sa ilalim ng red category o yaong mga lugar na mayroong kasaysayan ng karahasan, matinding tunggalian sa pulitika, at may mataas na banta mula sa mga rebeldeng grupo at masasamang elemento.

Mula sa 38 na lugar, 32 dito ay nasa Bangsamoro region, dalawa sa Cagayan Valley, at tig-isa sa Western Visayas at Eastern Visayas.

Maliban sa mga SAF commando, nakadeploy din ang maneuver forces ng PNP sa mga checkpoint area at tumutulong sa mga local police.

Una na ring nangako ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tutulong sa pagbabantay sa kabuuan ng halalan.