-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Umaasa pa rin ang pamilya ng isang pulis mula Benguet na nagsasanay ngayon sa PNP-Special Action Force na matatagpuan pa ito matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig sa Lauis River sa Km. 27, Coto, Taltal, Masinloc, Zambales, umaga ng Martes, September 10.

Nakilala itong si Patrolman Melvin Anacio Durante, 27-anyos, tubo at residente ng Bokod, Benguet at estudyante ng SAFCC Class 87-2018.

Batay sa report, sinubukan ni Patrolman Durante na tawirin ang Lauis River para itali ang lubid sa kabilang bahagi ng ilog para gamitin ng Combat Group 4 ‘Cheetah’ sa kanilang pagtawid sa nasabing ilog.

Gayunman, hinila ito ng malakas na agos ng tubig hanggang siya ay nawala.

Agad nagsagawa ang mga kasama niya sa platoon ng search and rescue operation ngunit hindi nila ito natagpuan kaya nagpatulong sila sa Advance Command Post at sa iba pang mga concerned rescue units.

Hanggang ngayon ay patuloy ang search and rescue operation para kay Patrolman Durante sa tulong ng ibat-ibang unit ng pulisya, mga residente, miembro ng Municipal DRRM Office at mga estudyante ng mga Combat Groups ng PNP-SAF.

Napag-alaman na ngayong hapon ay isinagawa ng mga Igorot na SAF troopers ang tradisyonal na ritwal na ‘daw-es’ para sa mas mabilis na pagkakatagpo sa nawawalang pulis.