BAGUIO CITY – Natagpuan na ang bangkay ng isang pulis mula Benguet na trainee ng PNP-Special Action Force (SASF) matapos ang 42 days mula ng tangayin ito ng malakas na agos ng tubig sa Lauis River sa Km. 27, Coto, Taltal, Masinloc, Zambales noong September 10, 2019.
Una ng nakilala itong si Patrolman Melvin Anacio Durante, 28, residente ng Bokod, Benguet at estudyante ng SAFCC Class 87-2018.
Batay sa report, sinubukan ni Patrolman Durante na tawirin ang Lauis River para itali ang lubid sa kabilang bahagi ng ilog para gamitin ng Combat Group 4 ‘Cheetah’ sa kanilang pagtawid sa nasabing ilog.
Gayunman, hinila ito ng malakas na agos ng tubig hanggang siya ay nawala.
Agad nagsagawa ang mga kasama niya sa platoon ng search and rescue operation ngunit hindi nila ito natagpuan kaya nagpatulong sila sa Advance Command Post at sa iba pang mga concerned rescue units.
Isinagawa pa ng mga Igorot na SAF troopers at mga kaanak ni Pat. Durante ang tradisyonal na ritwal na “daw-es” para sa mas mabilis na pagkakatagpo dito.
Ayon sa kapatid ni Durante, buo ang katawan nito na natagpuan malayo sa mismong bahagi ng ilog kung saan ito natangay.
Napag-alaman na kaarawan ng nasawing pulis kahapon kung saan ibiniyahe na ito pauwi sa kanilang tahanan.