Mistulang naghahabol ngayon sa oras ang ilang mga bansa upang makabuo pa ng extension sa paglilikas ng maraming mamamayan at dayuhan sa Afghanistan.
Kaugnay nito, makikipagpulong ang mga lider ng France, Germany at United Kingdom sa United Nations kaugnay sa panukalang makabuo ng safe zone sa Kabul.
Layon ng safe zone na ligtas na doon makadaan ang mga taong na nais makaalis ng Afghanistan.
Ang paghahanap ng sulosyon ay sa gitna na rin nang pagtatapos bukas ng deadline ng Taliban at ng Amerika na umalis na ang kanilang puwersa sa naturang bansa.
Aminado naman si French President Emmanuel Macron na hindi pa niya sigurado kung tatanggapin ito ng bagong gobyerno ng Taliban.
Maari umanong isama sa planong ito ang buong international community upang ma-pressure ang Taliban.
Inamin naman ni Macron, na nagsimula na rin sila ng exploratory talks sa Taliban kung paano maipagpapatuloy ang evacuations kahit lampas na sa Agosto 31.
Kaugnay nito, isang resolusyon ang ihahain bukas para sa United Nations para sa emergency meeting ng UN Security Council.
Si UN Secretary-General Antonio Guterres ay makikipag-usap din sa mga lider ng Afghanistan gayundin sa mga top envoys ng UK, France, United States, China at Russia na pawang mga permanent members ng makapangyarihang UN Security Council.
Liban nito si British Foreign Secretary Dominic Raab ay makikipagpulong din sa mga counterparts sa G7 group o mga mayayamang bansa ganon din sa sa NATO at sa Qatar.