BUTUAN CITY – Bumalik sa alaala ng isang opisyal ng PNP ang naganap na bakbakan noong Hunyo 2002 kung saan kasama ito ng mga tropa ng gobyerno na hinarap ang armadong grupo ni dating Dinagat Islands Rep. Ruben Ecleo, Jr.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Col. Martin Gamba, hepe ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office (PRO-13), kasama raw siya sa sea convoy ni noo’y PRO-13 regional director Alberto Olario sa bayan ng San Jose bilang lider ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) team kung saan ang lead agency ay ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Caraga.
Kuwento nito. kaagad daw na binigyan ng ilang minuto ang mayor upang lumabas sa kanilang mansyon ngunit nagmatigas ito hanggang sa pinalabas nila ang mga babae, mga bata at mga matatanda dakong alas-5:00 na ng hapon.
Sinundan umano ito ng pagpapaputok ng mga tauhan ni Ecleo na naging sanhi ng magdamagang bakbakan o palitan ng putok.
Umabot sa 23 katao ang patay sa labanan kung saan isa ang nalagas sa pulisya na mula sa Surigao del Norte Police Provincial Office at may ilan din silang kasamahang nasugatan.
Natigil lang ang bakbakan nang makipag-usap si noo’y Governor Glenda Ecleo na ina ni Ruben kay dating Interior Sec. Robert Barbers na nagresulta sa pagkakahuli ni Ecleo Jr. at iba pa nitong mga tauhan.
Kasama sa mga narekober mula sa armadong grupo ng mga Ecleo ang mga M16 armalite rifles, carbine, shotgun, hand grenade at M203.