-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Tiniyak ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na walang direktang epekto sa industriya ng turismo sa isla ng Boracay ang sagupaan sa gitna ng 12th Infantry Batallion Philippine Army at mga miyembro ng Communist Party of the Philippine-New People’s Army (CPP-NPA) sa ilalim ng SDG Igabon Platoon ng Central Negros Front ng Kilusang Rehiyon Panay sa Sitio Itabag, Barangay Manika, Libacao, Aklan.

Ngunit sinabi ni NTF-ELCAC spokesperson for Legal Affairs Atty. Flosemer Chris Gonzales na hindi dapat bigyan ng pagkakataon at lugar na makanlungan ang mga rebeldeng grupo lalo na sa lalawigan ng Aklan na ilang taon nang idineklarang insurgency free.

Hindi aniya nila papayagan na gamitin ng grupo ang mga kabundukan sa Aklan na maging safe areas ng mga ito upang muling magpalakas at makapaghasik ng karahasan.

Una rito, nagtagal ng halos 25 minuto ang palitan ng putok bago umatras papalayo ang mga rebelde na tinatayang nasa 20 indibidwal.

Walang sugatan sa tropa ng militar ngunit may nakita silang mga bakas ng dugo na posibleng mula sa mga sugatang rebelde na tinamaan sa kanilang palitan ng mga putok.

Narekober sa area ang dalawang armalite rifles, mga bala, magazine, cellphone, notebooks, iba’t ibang dokumento at apat na bandera ng NPA.