CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagtugis ng tropa ng 95th Ifantry Battalion Phil. Army sa mga nakasagupang rebelda sa Capellan, Ilagan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Major Oscar Blanza, Executive Officer ng 95th Infantry Battalion Phil. Army nakasagupa ng mga sundalo ang mga rebeldeng kasapi ng Regional Sentro De Gravidad ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley sa barangay Capellan.
Sinabi pa ni Major Blanza na 4 na sundalo ang nasugatan ngunit nasa mabuti nang kalagayan.
Ayon kay Major Blanza tumugon ang mga sundalo sa pamumuno ni Staff Sgt.Albert Baligod sa sumbong ng mga residente sa gilid ng Sierra Madre dahil sa nahihirapan na sila sa pangingikil ng rebeldeng pangkat .
Nakarecover ang mga sundalo ng isang baby armalite, dalawang shotgun, tatlong magazine ng M-16, limamput tatlong piraso ng bala, limang bala ng 12 gauge shotgun, mga detonation cord at mga personal na kagamitan ng mga rebelde.
Nagpapasalamat ang tropa ng pamahalaan at nagising na ang mga mamamayan at sila na mismo ang nakikipagtulungan at nagsusumbong sa presensiya ng mga rebelde sa kanilang barangay na agad nilang tinutugunan.
Sinabi ni Major Blanza na dahil sa walang suporta ng mga mamamayan sa mga rebelde ay patuloy na ang paghina ng kanilang puwersa.
Nagpapatuloy ang pagtugis ng mga sundalo sa mga rebeldeng tumakas at hinihinalang may nasugatan din sa kanilang panig.