Sa kabila ng katandaan ng dalawang US presidential candidate, kampante ang dalawa na hindi magsisilbing sagabal ang kanilang edad sa sandaling manalo bilang pangulo ng tinaguriang pinakamayamang bansa sa buong mundo.
Sa kasalukuyan kasi ay 78 y/o na si dating US Pres Donald Trump habang 81 y/o naman si US Pres. Joe Biden. Ang dalawang kandidato ang pinakamatandang kandidato sa pagkapangulo sa kasaysayan ng US.
Sa naging US Presidential debate, natanong ang dalawa ukol sa kanilang edad at kalusugan at ang magiging epekto nito sa kanilang pamumuno kung sakaling palaring manalo.
Ayon kay Trump, hindi siya nababahala sa kanyang kalusugan lalo na regular aniya siyang dumadaan sa cognitive test kung saan ang dalawang pinakahuli ay nakakuha pa siya ng mataas na marka.
Hinamon din ng dating pangulo ang kasalukuyang pangulo na sumailalim sa cognitive exam.
video credits: CNN
Ipinagmalaki naman ni Biden ng kanyang mga nagawa sa loob ng ilang dekada na kanyang pagsisilbi sa gobierno ng US. Inalala ng kasalukuyang pangulo ang pagkakahalal niya bilang isang senador sa edad na 30. Sa naturang edad ay isa si Biden sa mga pinakabatang senador na nagsilbi sa US (Ang pinakabata ay 29y/o – Henry Clay).
Ngayon ay siya na umano ang pinakamatanda. Gayonpaman, binuweltahan ni Biden si Trump na gayong mas bata ito ng tatlong taon kaysa sa kanya, nananatili pa rin aniyang ‘less competent’ ang dating pangulo kaysa sa kanya.
video credits: CNN
Hindi pa natapos dito ang debate ng dalawa ukol sa kanilang edad at nagkahamunan ukol sa paglalaro ng golf.
Hamon ni Biden kay Trump, nakahanda siyang labanan si Trump sa larong golf, bastat kaya nitong buhatin ang kanyang mga golf bag.
Sagot naman ni Trump, ‘hindi dapat umasta ang mga ito bilang mga bata’.