Nakatakdang taasan ang sahod ng minimum wage earners sa Metro Manila kasabay ng nakatakdang pagsisimula ng wage review.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, nasa apat na milyong minimum wage earners at karagdagang walong milyong manggagawa ang magbebenepisyo kung sakali sa panibagong wage adjustment ng Regional Tripartite Wage and Productivity Boards (RTWPBs).
Saad pa ng kalihim tumalima ang lahat ng 17 RTWPBs sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para simulan ang deliberasyon 60 araw bago ang anibersaryo ng huling wage order.
Ang naturang hakbang ay sa gitna ng hirit ng ilang labor groups para sa isang legislated across-the-board wage hike kung saan ang iba ay nananawagan na i-adopt ang living wage o sahod na sasapat para matugunan o mapanatili ang normal standard ng pamumuhay.
Samantala, inanunsiyo din ng kalihim na maglulunsad ang DOLE ng job fairs sa 70 sites sa buong bansa sa Labor day sa Mayo 1.
Nasa 170,000 na trabaho sa lokal at ibang bansa ang iaalok sa naturang job fair mula sa 2,000 employers.
Maglalatag din ng Kadiwa stores sa venues kung saan magbebenta ng mga produkto sa murang halaga.