-- Advertisements --

Siniguro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kanilang igagalang ang Saligang Batas sakaling magpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim ang bansa sa Martial Law.

Una nang nagbanta ang Pangulong Duterte na magdedeklara raw ito ng batas militar kung hindi matitigil ang ginagawang karahasan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) lalo sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, marami silang napulot na aral at karanasan sa pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao, na kanila raw magagamit kung sakaling gawin ito sa buong bansa.

Sinabi pa ni Arevalo na maliban sa Bill of Rights sa Konstitusyon, iaayon nila ang kanilang mga hakbang alinsunod sa iba pang mga kaugnay na batas tulad ng Law of Armed Conflict.

Nauunawaan din aniya ng AFP ang galit ng Pangulong Duterte sa mg NPA dahil isinasaalang-alang lamang ng Punong Ehekutibo ang kapakanan ng sambayanan.

“They prompted him to threaten to declare martial law if these opportunist terrorists will continue to commit their inhumane and criminal acts at this time that we are fighting a pandemic,” wika ni Arevalo.

Gumagawa na rin aniya ang militar ng panibagong mga taktika at hakbang upang tiyakin na kasabay ng kanilang pagtulong sa mga local government units, hindi magiging target ng mga pag-atake ng mga komunista ang mga sundalo.

Samantala, magpapatupad ng kinakailangang adjustments ang AFP sa deployment ng mga sundalo matapos palawigin pa ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at iba pang itinuturing na mga high-risk areas hanggang Mayo 15.

“The President has acted upon and has decided as to which regions and provinces will remain within the coverage of ECQ and which will now be placed on GCQ,” ani Arevalo.

“The AFP will be in the forefront of its effective implementation in support of the national and local governments,” dagdag nito.

Una nang sinabi ni COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez na naglabas na raw ng kautusan ang Department of National Defense na pagpapadala ng karagdagang tropa sa National Capital Region (NCR) para tumao sa mga check-up points.