-- Advertisements --
Binigyan na ng pangalan ng mga eksperto ang sakit na nakukuha sa paggamit ng electronic-cigarettes o vaping.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention sa Estados Unidos, tatawagin nang EVALI ang mga karamdaman sa baga na maiuugnay sa paggamit ng vaping at electronic cigarettes.
Sa ngayon kasi ay may 1,299 pasyente na ang natukoy na tinamaan ng EVALI.
Sinabi pa ng state public health officials na 29 na ang nasawi bunsod ng ganitong sakit mula sa 22 estado.
Nilinaw naman ni Dr. Anne Schuchat, principal deputy director ng CDC, na wala pang partikular na brand ng produkto ang masasabing nagdulot ng EVALI sa mga pasyente.
Payo nito, pag-ibayuhin na lang ang pag-iingat upang hindi mapinsala ang ating kalusugan dahil sa E-cigarettes. (ABC)