-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Naging sentro sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa lungsod ng Koronadal ang naging sakripisyo ng mga local heroes at ang pagbibigay halaga sa tri-people, ang Muslim, Kristiyano at mga Katutubo.

Isinadula din sa isinagawang programa sa Rizal Park sa lungsod ng Koronadal ang ginawang pakikibaka ng mga bayani at ang pamumuhay noon ng mga Koronadaleno bago pa man nakamit ng bansa ang Kalayaan.

Pinangunahan ni Koronadal City Mayor Eliordo Ogena ang nasabing aktibidad kabilang na ang mga opisyal ng lungsod, regional directors, mga ahensiya ng gobyerno, kapulisan, at civic organizations.

Sa naging mensahe ni Mayor Ogena, binigyang diin nito ang pagpapatuloy ng pagpapaunlad hindi lamang sa mga barangay kundi maging sa mga Purok at Sitio o mga liblib na lugar sa lungsod.

Maging ang pagupursige sa mga kabataan na mag-aral at magpatuloy sa buhay sa kabila ng kahirapan ang naging bahagi din ng kanyang talumpati.
Kasabay nito, hinikaya’t ng alkalde ang lahat na huwag kalimutan ang naging sakripisyo ng mga bayani upang makamit ng bansa ang kalayaang tinatamasa sa ngayon.

Nagsagawa din ng wreath laying ceremony sa monumento ni Dr. Jose P. Rizal bago nagtapos ang programang isinagawa kasabay ng ika-125 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.